MADALAS ka bang makaramdam ng pamamanhid?
Ito ay isang karaniwang nararamdaman na karaniwan ay walang seryoso o malubhang kahihinatnan.
Para sa mga typist, mga mechanical workers at kababaihan na naglalaba, karaniwang sila ay nakararanas ng pamamanhid ng mga kamay, na dahil sa carpal tunnel syndrome. Ang kondisyong ito ay nangangahulugan na ang ugat (median nerve) na nagbibigay ng lakas sa kamay ay naiipit. Ipahinga ang iyong mga kamay.
Ang isa pang karaniwang lugar ng pamamanhid ay sa hita sa pag-upo at paghiga. Ito ay dahil sa naiipit ang sciatic nerve sa may balakang.
Ngunit dalawang mas malubhang sanhi ng pamamanhid ay stroke at diabetes.
Bagama’t bihira lamang ito, may ilang mga pasyenteng na-stroke ang nakaranas ng bahagyang pamamanhid sa katawan. Kaya naman kung may pag-aalinlangan, ang mga doktor ay maaaring mag-request ng isang CT Scan sa ulo para masuri ang stroke.
Ang diabetes ay maaari ring maging sanhi ng pamamanhid, karaniwan sa mga binti at paa. Kung hindi mapananatili ang iyong blood sugar ng mas mababa sa 120 mg/dl, maaari itong magresulta sa pinsala sa mga ugat.
Ang may diabetes ay dapat mag-ingat sa kanilang mga binti dahil ang karaniwang senaryo ay ang pagkakaroon ng pamamanhid sa paa muna, pinsala sa paa at impeksiyon. Sa mga napabayaang mga kaso, maaari itong humantong sa amputation o pagkaputol ng binti.