Nakatatak na sa ating isipan na kapag mas matangkad ang manlalaro, siya ang mananalo. Isa rin ako sa mga napaniwala rito dahil naranasan ko na rin ang maliitin dahil sa tangkad at kilo ko nung ako’y isang student-athlete pa lamang. Kapag matangkad ka, nasayo ang bentahe dahil mas mahaba ang kamay at paa mo, mas madadalian ka idapo ang mga suntok at sipa mo. Ngunit hindi lahat sa pagkakataon ay totoo ito.
Gaya na lamang nitong nagdaang laro sa Tuguegarao City Science High School, natunghayan ko ang nakakabilib na pagharap ni Joseph Tuliao, 5’3 ng Tuguegarao City Science High School sa hamon kontra 5’8 player ng Cagayan National High School, Reave Requiño kung saan ay ilang beses niya itong pinatumba sa Wushu Sanda -48kg Division Exhibition Match sa kabila ng kanilang agwat sa tangkad.
Agresibo si Tuliao kahit kakasimula pa lang ng laro, sunod-sunod ang kanyang binibitawang suntok at sipa sa katawan. Nagdagdag din siya ng mga takeovers na siyang kumuha ng loob ng mga hurado sa unang round. Bukod, sa mga hurado ay nakuha niya rin ang loob naming mga manonood at nakitahan ko siya ng malaking potensyal na manalo.
Sa sumunod na round ay madaming mga bigong takeovers ang nagawa ni Tuliao marahil naging kampante siya sa una niyang pagkapanalo, ngunit sa huli’y nangibabaw pa rin siya sa kanyang mga strikes. Nagkulang rin si Requiño sa pagdepensa sa mga tira ng kanyang kasagupaan na siyang nagpahina sa kanya.
Kasalukuyang nagdudusa si Requiño sa kanyang injury sa right ankle na kanyang nakuha sa kanyang huling laro sa CAVRAA 2024. Ayon sa kanya, nahirapan siyang gumagalaw-galaw dahil masakit pa lang ang kanyang injury. Dagdag pa niya na paborito niyang technique ang pagsipa ngunit di niya ito magawa nang maayos.
Ngunit, hindi lang iyan ang rason kung bakit nanalo si Tuliao. Hindi pa rin maikakaila ang natatanging husay at lakas niya na nakakaya niyang buhatin at patumbahin ang higit na mas higante kaysa sa kanya. Kinakailangan ng malaking puwersa at angking lakas para magawa ito sa iyong kalaban.
Kaya naman ay huwag basta-basta magbigay ng hatol na ang maliit ay maliit na rin ang maipapakitang talento. Ang pagkakaroon ng ganitong talento ay minsan lang kung ituring, huwag sayangin, bagkus payabungin, at mahalin.