7 December 2024

Panahon nang mag-soul searching. Sa bandang huli, isa ang saligang katotohanan: ang pamumuno ay pagsisilbi.

Nitong nakaraang linggo, bumulusok ang ratings ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa buong bansa mula 73% na trust noong Disyembre pababa sa 57% noong Marso, ayon sa Pulse Asia. Aray. Masakit din ang 16% percentage points drop.

Pinakanangungusap ang numero mula sa Duterte country ng Mindanao, kung saan lumagapak siya nang 32 points. BASAHIN: Marcos’ trust rating in Mindanao drops by 32 points in March, says Pulse Asia)

Sabi nga ng dating journalist at political communications consultant na si Joey Salgado sa opinion piece na ito, kung pagbabatayan ang historical data, pagpatak ng ikatlong taon sa termino ni dating pangulong Benigno Aquino III, nasa 72% pa rin ang performance rating niya, habang si dating pangulong Rodrigo Duterte naman, namayagpag sa 79% performance rating sa ikatlong taon niya sa puwesto. [OPINION] Can Marcos survive a voters’ revolt in 2025?

Obserbasyon din ni Salgado, maasim na maasim pa ang mga ngalang Aquino at Duterte nang maganap ang midterm elections sa kani-kanilang termino. Sa madaling salita, masyado pang maaga para bumagsak ang ratings ni Marcos. 

Sabi rin ng mga kritiko ni Marcos, charter change o Cha-Cha raw ang humila pababa sa ratings ng Presidente. Batay sa pinakahuling survey tungkol sa charter change, 88% ng mga Pilipino ang may ayaw rito.

LARAWAN MULA SA: RAPPLER

Hindi rin nakatutulong na nagpalipad ng trial balloon ang disbarred na abogadong si Larry Gadon na ngayo’y Presidential Adviser for Poverty Alleviation. Lantaran nang ipinanukala ni Gadon ang extension ng term limits, pagdadagdag ng mga senador mula 28 para maging 48, pagpapalit sa isang parlamentaryong porma ng gobyerno, pagbibigay ng kapangyarihan sa pangulong mag-appoint ng judicial at constitutional commissions, at pagboto sa presidente at bise presidente bilang single team.

At take note, hindi raw ito alam ng pangulo. Wink, wink. 

Sabi rin ni Salgado, nanganganib na madungisan ang kinang ng restored family name ng mga Marcos dahil sa dausdos ng ratings. Pero higit sa dungis sa pangalan, nanganganib ang paghahari ng mga Marcos sa 2025 midterm elections at 2028 presidential elections. Sino ang makikinabang? Hindi ang “oposisyon” na kinakatawan ng Liberal Party at Pink Movement ni Leni Robredo.

Sabi ng ilang analysts, ang makikinabang ay ang mga Duterte – na sa maraming punto ay ang pangunahing oposisyon ngayon. 

Pero hindi lang Cha-Cha ang galis na nakapapangit sa imahe ni Marcos. Dama ng tao ang taas ng bilihin, lalo na ang rice inflation na inaasahang mananatili hanggang Hunyo 2023, at mataas pati ang presyo ng gasolina. At anong pinagkakaabalahan? Cha-Cha.

Kung hindi pa madikit na isyu ang agresyon ng Tsina sa West Philippine Sea, wala nang ibang pampapogi points si Marcos. Sa halip, itinutulak niya ang Maharlika Fund.

Ginoong Marcos, stop and read the writing on the wall. Signs of the times ang surveys na nagbabadyang burahin lahat ng ganansiya mo sa influence operations simula 2014 at unprincipled alliance ng 2022 sa angkan ng iyong bise presidente.

Kung naging malinaw lang sana ang direksiyon at may malinaw na blueprint ang gobyerno ni Marcos. Kung na-gets lang sana niya na walang katumbas ang good governance. Kung natanto sana niya na hindi nakukuha sa misinformation, disinformation at revisionism ang pagmimintina ng kapangyarihan.

Kapag bumabagsak ang ratings, panahon nang mag-soul searching. Marupok ang loyalty ng mga bayaran. Marupok ang ilusyon at alamat. Sa bandang huli, isa ang saligang katotohanan: ang pamumuno ay pagsisilbi. – Rappler.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *