Apat pa ang kailangang makumbinsi ng pasimunong si Robin Padilla para maharang ang pag-aresto ng Senado kay Quiboloy. Ilista natin ang mga pangalan nila at bantayan.
Ilan ito sa mga katangiang sinabi nating dapat taglayin ng mga pipiliin nating senador noong 2019 at 2022, ayon sa surveys. Noong 2019, kung kailan ibinoto natin sina Bong Go, Imee Marcos, at Cynthia Villar; noong 2022, nang ibinoto natin si Robin Padilla.
Ang tanong tungkol sa apat na mambabatas: nakikita ba natin sa kanila ang mga katangiang ito?
Nitong Marso 5, nagdesisyon si Senator Risa Hontiveros – ang tagapangulo ng committee on women, children, family relations, and gender equality – na i-hold in contempt ang pastor na si Apollo Quiboloy. Hiniling ni Hontiveros kay Senate President Migz Zubiri na ipag-utos ang pag-aresto sa pinuno ng Davao-based na Kingdom of Jesus Christ (KOJC).
Ito ay matapos na isnabin ni Quiboloy nang ilang ulit ang imbitasyon, kalaunan ay subpoena, ng komite na humarap sa pagdinig tungkol sa mga umano’y pang-aabusong ginagawa niya at ng kanyang mga alipores sa KOJC at sa brodkaster nilang SMNI o Sonshine Media Network International. Sa madaling sabi, binastos niya ang institusyong halal ng taumbayan.
Bakit nagpipilit si Hontiveros na makaharap at direktang matanong si Quiboloy? Dahil ambibigat ng mga paratang sa kanya ng mga dating miyembro at manggagawa niya: panggagahasa sa menor de edad, sexual abuse maging sa kalalakihan, trafficking o pangangalakal ng mga tao, pangingikil sa mga OFW, pang-aabuso at pagpapahirap sa mga empleyado, pag-aareglo ng mga pekeng kasal sa ibang bansa.
Dahil anumang makakalap sa imbestigasyon ng Senado ay gagamitin sa pagbuo o pagrerebisa ng mga batas, kailangang mabuo ang kuwento, mapagtahi-tahi ang mga detalye, maunawaan ang mga kalagayan o pangyayaring nagbibigay-daan sa mga inilalarawang pang-aabuso. Ang layunin ay mapatibay ang ating mga batas upang maprotektahan at mapagsilbihan ang mamamayan – layunin na, di ba, dapat ay naiintindihan at sinusuportahan ng bawat senador? (BASAHIN: [OPINION] The Quiboloy contempt order: Legislative overreach or valid exercise of Senate power?)
Bukod na usapin ito sa mga kasong kriminal na kinakaharap ni Quiboloy at mga alipores niya sa Amerika, kung saan nasa wanted list sila ng Federal Bureau of Investigation. Hindi rin ito nakadepende sa mga kasong isinampa ng Philippine Department of Justice (DOJ) laban sa kanila. Ibig sabihin, maaaring isulong, at dapat isulong, ang tatlong ito nang sabay-sabay. (BASAHIN: PRIMER: Investigations, cases against Apollo Quiboloy)
Balik tayo kina Padilla, Go, Marcos, at Villar. Pumirma sila sa isang sulat na kumokontra sa kapasiyahan ng committee chairperson. Ayaw nilang masabing binastos ni Quiboloy ang Senado; ayaw nilang maipaaresto ito para humarap sa pagdinig. Kahit na mismong si Pangulong Marcos ang nagpayong ilatag niya ang kanyang panig sa harap ng mga akusasyon; kahit na sinabi ng BFF niyang si dating pangulong Rodrigo Duterte na magpaaresto na lang siya.
May pitong araw mula Marso 5 para mabaligtad ng mga sumusuporta kay Quiboloy ang kapasiyahan ni Hontiveros. Batay sa kalakaran sa Senado, kailangan ng boto ng mayorya ng mga miyembro ng komite para mangyari ito. Labing-apat ang miyembro; walo ang mayorya; apat pa ang kailangang makumbinsi ng pasimunong si Padilla para magtagumpay sila.
Ilista natin ang pangalan ng mga kailangan nilang kumbinsihin: Nancy Binay, Pia Cayetano, Grace Poe, Raffy Tulfo, Joseph Victor Ejercito (pumirma pero umurong din), Mark Villar, Loren Legarda, Joel Villanueva, at Koko Pimentel.
Sila rin ang kailangan nating paalalahanan na tatandaan natin ang kanilang mga pangalan kapag muli silang tumakbo bilang senador o kumandidato para sa ibang posisyon. Ilaglag ang sinomang makikinig kay Padilla at pipirma. Dahil ang pagpirma para salagin ang imbestigasyon kay Quiboloy ay panlalaglag din sa ordinaryong mamamayan na dapat nilang ipinagsasanggalang.
Sabi ni Padilla, kaibigan niya si Quiboloy, pinahiram siya nito ng helicopter nang nangangampanya. Sabi ni Cynthia Villar, kaibigan niya si Quiboloy, kaya mahirap paniwalaan ang mga ibinibintang sa kanya. Sabi ni Imee Marcos, ano raw ba ang mabubuong batas sa imbestigasyong ito na para sa kanya ay puro “kuwentuhan” lang. Si Bong Go, well, kung saang panig ang “amo” niyang si Duterte, doon siya.
Kaya sorry na lang kay “Amanda,” na umano’y ni-rape ni Quiboloy noong kabataan niya, kasi kaibigan ng apat na senador si Quiboloy. Sorry na lang kay “Rene” na hinalay ng kalalakihang opisyales ng KOJC, kasi kaibigan ng mga senador si Quiboloy. Sorry na lang kay “David,” na pinagtrabahong walang suweldo sa SMNI, dahil kaibigan ng mga senador si Quiboloy. Sorry na lang kay Reinalyn, na bilang OFW ay pinuwersang ibigay sa KOJC ang 90% ng kanyang sahod sa ibang bansa sa halip na ipadala sa kanyang pamilya.
Sorry na lang sa mga biktima ng mga akusadong nagtatago sa ngalan ng relihiyon at nakaaasa sa proteksiyon ng mga koneksiyon nila sa Senado. Sorry na lang na ang ilan sa ibinoto natin – na malaon ay hihingi na naman ng boto natin – ay wala palang malasakit sa mahihirap at inapi, isasantabi ang makatarungan, hindi tutulong sa nangangailangan, gagamitin ang puwesto para paboran ang kakilala, mangungunsinti ng kalikuan, walang habag sa naaapi, hindi nakaka-inspire.
O baka naman mas malaking tao, at hindi talaga si Quiboloy, ang pinoprotektahan nila?
Matapos aminin ni Quiboloy na nagtatago na siya, itinalaga niya si Duterte bilang administrador ng lahat ng ari-arian ng Kingdom of Jesus Christ.
Gaano kayaman ang religious group ni Quiboloy? Sabi ni Duterte mismo, niregaluhan siya ng kanyang kaibigan ng ilang lote at bahay, ilang magagarang sasakyan. At sabi nga ni Senator Padilla, nagpapahiram ng helicopter sa kampanya. Ayon din sa isang testigo, binigyan nito ng bulto-bultong armas ang mag-amang Duterte nang dumalaw sa bundok na pag-aari rin niya at kung nasaan ang kanyang mansiyon.
Kaya kung sakaling ang Senate committee investigation ni Hontiveros, o ang mga kaso ng DOJ, o ang mga kaso sa US ay umabot sa pagsilip sa bank accounts at paghalughog sa mga ari-arian ni Quiboloy o ng KOJC, malamang na madamay din ang kayamanan ng “administrador” (baka beneficial owner?) na si Duterte. (Bilisan daw, sabi ni dating senador Leila de Lima, kung gagawin ito ng pamahalaan, dahil baka mailipat ang mga pera at titulo.)
Lalo nang sorry sa “maliliit” na biktima na naglakas-loob tumestigo para sa pagsusulong ng mga batas na may pangil at mas makabuluhan. At least, daig nila sa tapang ang ilang senador na dapat sana’y kagalang-galang. – Rappler.com