MANILA, Philippines — Walang ibang hangad si world champion Carlos Yulo kundi ang makaresbak sa 2024 Paris Olympics na idaraos sa Hulyo sa France.
Ito ang hangad ni Yulo matapos ang hindi kagandahang kampanya nito noong 2021 Tokyo Olympics kung saan bigo itong makapag-uwi ng medalya.
Tanging sa men’s vault lamang nakapasok sa finals si Yulo.
Subalit hindi rin ito pinalad na makahirit ng medalya nang magkasya ito sa ikaapat na puwesto.
Kaya naman pukpukan ang paghahanda ni Yulo sa pagkakataong ito para masigurong may iuuwi itong medalya sa Paris Olympics.
“Iba yung preparations ko ngayon talagang gusto kong maging handa ako sa Paris Olympics. Gusto ko talagang makabawi,” ani Yulo.
Aminado si Yulo na hindi ito kuntento sa ipinamalas nito sa Tokyo Olympics.
Hindi nito nailabas yung mga pinaghandaan nito noon dahilan para bigo rin itong makapasok sa finals ng kanyang paboritong men’s floor exercise.
“Frustrated talaga ako that time kasi hindi ko naipakita yung talagang gusto kong maipakita. Pero natuto ako sa mga pagkakamali ko,” ani Yulo.
Isa si Yulo sa mga paboritong magwagi ng medalya sa taong ito.
Sariwa pa si Yulo sa matamis na pagkopo ng ginto at pilak sa World Cup Series Doha Leg.
At sinisiguro ni Yulo na handang-handa ito para sa Paris Olympics.
“Ngayon, I’m mentally and emotionally ready. Mas confident na ako ngayon mag-perform at magawa yung mga executions,” ani Yulo.
Wala pa sa peak si Yulo.
Nasa 60 hanggang 70 porsiyento pa lamang ito.
Subalit tiwala ito na maabot nito ang 100 porsiyento sa oras na sumabak ito sa Paris Olympics.